Pagkalag sa mga Taling Gumagapos

Ni Kaoshen, Italya

Sabi ng mga salita ng Diyos, “Para sa kapakanan ng inyong kapalaran, kailangan ninyong hanapin na kayo ay masang-ayunan ng Diyos. Ibig sabihin, yamang kinikilala ninyo na kayo ay kabilang sa tahanan ng Diyos, kayo kung gayon ay dapat magsanhi ng kapayapaan ng isipan ng Diyos at bigyang-kasiyahan Siya sa lahat ng bagay. Sa ibang salita, dapat may-prinsipyo kayo sa inyong mga pagkilos at naaayon sa katotohanang nasa mga iyon. Kung hindi ito abot ng iyong kakayahan, kung gayon ay kamumuhian ka at tatanggihan ng Diyos at hahamakin ng bawat tao. Sa sandaling nahulog ka sa ganoong kahirap na kalagayan, hindi ka na kung gayon mabibilang na kasama sa tahanan ng Diyos. Ito ang kahulugan ng hindi sinasang-ayunan ng Diyos” (“Tatlong Paalaala” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Mula sa mga salita ng Diyos ay nakikita natin kung ano ang iniaatas Niya sa atin: maging maprinsipyo sa ating mga pagkilos at umayon sa katotohanan upang matamo natin ang Kanyang pagsang-ayon at mapasaya Siya sa lahat ng bagay. Hindi ko ito nagawa dati, dahil higit sa lahat ay pinagharian ako ng aking mga emosyon, at palaging nabubuhay at kumikilos ayon sa damdamin ko. Bagaman parang wala naman akong ginagawang masama, ang mga ginawa ko ay laban sa mga prinsipyo ng katotohanan at nakahadlang ito sa gawain ng simbahan. Pero matapos akong hatulan at kastiguhin ng Diyos sa pamamagitan ng Kanyang mga salita, nagsimulang maintindihan ko ang kalikasan at mga kahihinatnan ng ganitong pagkilos. Pagkatapos ay kaya ko nang harapin ang mga bagay nang may tamang mga motibo sa halip na umasa sa emosyon, at naisasagawa ko na ang mga salita ng Diyos.

Nang ang tungkulin ko ay pagiging isang lider ng simbahan noong nakaraang Nobyembre, nagkaroon ng isang survey kung kumusta na ang lider ng grupo sa bawat lugar ng pagtitipon. Sa mga sagot ay nakita ko na ang lider ng grupo na si Sister Li ay lagi na lamang nagpapabaya sa kanyang tungkulin at kapag nabanggit ang anumang pagkakamali niya, hindi lamang siya umaayaw na tanggapin ang katotohanan, kundi nakikipagtalo pa. Kapag may mga problema ang iba, hindi niya sila tutulungan sa pamamagitan ng pagbabahagi sa katotohanan, pero sa halip ay sesermunan pa sila sa mapagmataas na paraan at paghihigpitan sila. Pagkatapos mabasa ang lahat ng ito, alam kong batay sa mga prinsipyo ng pagpili sa bahay ng Diyos ay dapat na siyang palitan. Pero magkababayan kami at magkasamang naglingkod sa aming mga tungkulin dati. Dati na kaming malapit sa isa’t isa at sobrang inasikaso niya ako. Kung tatanggalin ko siya, iisipin kaya niyang walang-puso ako? Dalawang taon na ang nakalipas nang tinanggal siya sa kanyang posisyon bilang lider ng simbahan, at halos hindi pa niya naaalis ang sarili niya sa pagiging negatibo. Kung tatanggalan na naman siya ng isa pang posisyon, hindi kaya mas malaking dagok pa iyon? Makakayanan kaya niya ito? Naisip kong kailangan kong magbahagi agad sa kanya para makita niya kung gaano kapanganib ang kanyang sitwasyon. Naisip ko na kung mababago agad niya ang mga bagay, baka manatili pa rin siya sa kanyang posisyon. Kaya’t lumapit ako kay Sister Li para magbahagi tungkol sa kanyang mga problema pero natuklasan kong wala pa talaga siyang kamalayan sa sarili. Ibinigay ko ang lahat ng meron ako sa pagbabahaging iyon sa kanya, at pagkatapos nito ay ginusto niyang magbago, mag-isip-isip, at sa wakas ay nakahinga na ako nang maluwag. Naisip ko na kung makakapagsabi ako sa mga kasamahan niya sa paggawa ng ilang mabuting pahayag tungkol sa kanya, siguro’y puwede pa rin niyang ituloy na gawin ang tungkuling iyon.

Kinalaunan, habang pinag-uusapan ang gawain, ilang kasamahan niya sa paggawa ang nagsabing hindi raw kailanman tinanggap ni Sister Li ang katotohanan at nagkasundo silang lahat na palitan na siya. Naligalig ako nang marinig ko ito. Naisip ko, “May ilang problema nga kay Sister Li, pero handa siyang magbago, kaya hindi ba puwedeng bigyan n’yo siya ng isa pang pagkakataon?” Sa pagkakataong iyon, sinabi ni Sister Zhou na, “Matagal-tagal na ring ganito si Sister Li. Magaling siya magbahagi, pero hindi naman niya isinasagawa ang kanyang sinasabi. Wala pa rin talagang pagbabago. Hindi siya nababagay sa posisyong ito.” Agad akong sumingit, “Nahihirapan si Sister Li na tanggapin ang katotohanan, pero siya talaga’y may inisyatibo at responsable sa kanyang tungkulin. Kamakailan lamang, naging balintiyak ang ibang mga kapatid sa kanilang tungkulin at binigyan niya sila ng motibasyon.” Agad na sumagot si Sister Bai na, “Si Sister Li ay mukhang laging nagmamadali, at talagang nagkukusa, pero ang totoo’y ginagawa niya ito para magpakitang-gilas lamang, at hindi niya kayang lutasin ang mga tunay na problema.” Totoo lahat ang nasabi nila, at wala akong maisagot sa kanila. Sinabi naman ng isa pang lider ng simbahan, si Sister Zhang, na, “Totoong hindi bagay na maging lider ng grupo si Sister Li, pero wala pa tayong pupuwedeng ipalit sa kanya ngayon. Diyan na muna siya hanggang sa makakita tayo ng magandang pamalit sa kanya.” Ito mismo ang gusto kong mangyari, kaya’t agad kong idinagdag, “Tama. Palitan natin siya kapag may iba nang ipapalit.” Ang ikinagulat ko, hindi pa natatapos ang isang linggo, binanggit na naman ni Sister Zhou ang problemang ito pagkatapos naming mag-usap-usap tungkol sa gawain ng simbahan. Si Brother Chen daw ay magandang piliing kapalit, at may ibang mga kasamahan sa paggawa ang sang-ayon. Hindi ako makapagsalita sa kaba. Kung mapipiling lider ng grupo si Brother Chen, matatanggal si Sister Li. Kaya may mga sinabi ako tungkol sa mga katiwalian at kakulangan ni Brother Chen, at sinabi kong hindi siya angkop sa trabaho. Bawat isa ay nagsimula nang mag-alangan at medyo hindi ako mapakali, pero hindi ko pa rin hinanap ang katotohanan.

Kinalaunan hiniling sa akin ng lider ko na bigyan siya ng ulat tungkol sa mga lider ng grupo, at nang makarating ako kay Sister Li, hindi ko tumpak na sinabi ang pagsuri ng mga kapatid sa kanya. Medyo nabahala ako pagkaalis niya. Inisip ko kung bakit lagi ko na lang ipinagtatanggol si Sister Li, at lagi akong nag-aalala sa kanya. Hindi kaya ako’y may paboritismo? Anong uri ng motibo ang kumukontrol sa akin? Nabasa ko pagkatapos ang mga salitang ito ng Diyos: “Ano, una sa lahat, ang pagiging emosyonal? Ito ay isang tiwaling disposisyon. Kung gagamit tayo ng ilang salita para ilarawan ang mga praktikal na aspeto ng pagiging emosyonal, ang mga ito ay paboritismo at pagpili ng ilang taong poprotektahan, pagpapanatili ng mga relasyon ng laman, at pagiging di-makatarungan; ang mga ito ang pagiging emosyonal. Kaya, ang pagwaksi sa pagiging emosyonal ng isang tao ay hindi lang nangangahulugan ng hindi na pag-iisip tungkol sa isang tao. Karaniwan, maaaring ni hindi mo sila iniisip, ngunit sa sandaling may namintas sa iyong mga kapamilya, sa iyong bayang sinilangan, o sa sinumang may kaugnayan sa iyo, nagagalit ka at desididong ipagtanggol sila. Talagang napipilitan kang baligtarin ang sinabi tungkol sa kanila; hindi mo sila maaaring hayaang sumailalim sa isang kamaliang hindi naitama. Pakiramdam mo ay kailangan mong gawin ang lahat ng makakaya mo upang ipagtanggol ang kanilang reputasyon, pagmukhaing tama ang lahat ng mali, at hindi hayaan ang iba na sabihin ang totoo tungkol sa kanila o ilantad sila. Ito ay kawalan ng katarungan, at tinatawag na pagiging emosyonal” (“Ano ang Realidad ng Katotohanan?” sa Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). “Kung walang pagpipitagan ang mga tao sa Diyos, at kung walang puwang ang Diyos sa kanilang puso, hindi sila kailanman makakakilos ayon sa prinsipyo anumang tungkulin ang ginagampanan nila o mga problema ang kinakaharap nila. Walang kakayahan ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang mga intensyon at makasariling hangarin na pumasok sa realidad ng katotohanan. Dahil dito, tuwing dumaranas sila ng problema, hindi nila sinusuri ang mga intensyon nila at hindi nila matukoy kung saan nagkakamali ang mga intensyon nila. Sa halip, ginagamit nila ang lahat ng uri ng pagdadahilan upang bumuo ng mga kasinungalingan at mga palusot para sa sarili nila. Medyo magaling sila sa pagprotekta sa mga sarili nilang interes, reputasyon, at personal na relasyon sa iba, ngunit ang totoo, hindi pa sila nakapagtatag ng anumang relasyon sa Diyos” (Mga Talaan ng mga Pananalita ni Cristo). Ipinapakita nito kung paanong sa harap ng mga problema, hindi tayo makakakilos nang patas ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan. Pero hindi natin nakikita kung alin ang tama at mali, pinapaburan at pinangangalagaan natin ang mga konektado sa atin, o kung sinong pinakikinabangan natin. Ito’y pagkilos ayon sa emosyon at ito’y isang uri ng tiwaling disposisyon. Kapag pinaghaharian tayo ng emosyon, sa tungkulin man natin o sa pakikitungo sa problema, ang iniisip lamang natin ay ang ating mga makalaman na damdamin at personal na interes nang hindi man lamang isinasagawa ang katotohanan o ginagawa ang ating tungkulin nang mabuti. Iyan ang kalagayan ko noon. Ayaw kong tanggalin si Sister Li dahil kumikilos ako ayon sa mga emosyon ko. Pinangangalagaan ko ang relasyon namin at takot ako na baka magalit siya sa akin. Kaya nang gustong manindigan ng mga kasamahan ko sa paggawa sa mga prinsipyo at palitan siya, ginawa ko ang lahat ng magagawa ko upang pangalagaan siya para manatili siya sa kanyang posisyon. Nang ibinigay ko sa lider namin ang pagsusuri ko sa kanya pinaliit ko ito, pinagtakpan ko siya dahil sa paboritismo, at gumamit ng pangubli. Kung titingnan ko ang nakaraan, nakikita ko na ang mga motibo at intensyon ko ay pinaghariang lahat ng emosyon. Nabubuhay ako sa tiwaling disposisyon ng katusuhan at pandaraya, handang ikompromiso ang mga kapakanan ng bahay ng Diyos para mapangalagaan ang isang relasyon, handang magkasala sa Diyos kaysa magkasala sa isang tao. Talagang wala akong paggalang sa Diyos, napakamakasarili at napakasama ko! Sobrang nakonsensya ako sa lahat ng ito, kaya agad kong pinuntahan ang aming lider para sabihin sa kanya ang katotohanan. Pagkatapos, ako’y nanalangin at lumapit sa Diyos: “Bakit lagi akong itinutulak ng emosyon, at hindi maisagawa ang katotohanan? Ano ang ugat ng problemang ito?”

Isang araw sa aking mga debosyonal, binasa ko ang mga salitang ito ng Diyos: “Isinilang sa isang napakaruming daigdig, ang tao ay nasira na nang labis ng lipunan, siya ay naimpluwensiyahan na ng mga etikang pyudal, at naturuan na sa ‘mga instituto ng dalubhasaan.’ Ang paurong na kaisipan, tiwaling moralidad, masamang pagtanaw sa buhay, kasuklam-suklam na pilosopiya sa pamumuhay, lubos na walang saysay na pag-iral, at napakabuktot na uri ng pamumuhay at mga kaugalian—lahat ng bagay na ito ay matinding nanghimasok na sa puso ng tao, at matinding nagpahina ng kanyang katuwiran at inusig ang kanyang konsensya. Bilang resulta, ang tao ay mas lalong malayo sa Diyos, at mas lalong naging tutol sa Kanya. Ang disposisyon ng tao ay lalong nagiging mas mabangis sa bawat araw, at wala ni isa mang tao ang magkukusa na talikdan ang anuman para sa Diyos, kahit isang tao na kusang susunod sa Diyos, ni, higit pa rito, isang tao na magkukusang maghanap sa pagpapakita ng Diyos. Sa halip, sa ilalim ng sakop ni Satanas, ang tao ay walang ginawa kundi magpatuloy sa pagpapakasaya, ibinibigay ang sarili sa katiwalian ng laman sa pusali. Marinig man nila ang katotohanan, ang mga nananahan sa kadiliman ay hindi mag-iisip isagawa ito, ni hindi sila nakahandang matamo ang Diyos kahit na namasdan na nila ang Kanyang pagpapakita. Papaanong ang isang sangkatauhan na ubod ng sama ay magkakaroon ng pagkakataon sa kaligtasan? Papaanong ang isang sangkatauhan na napakasama ay mabubuhay sa liwanag?” (“Ang Hindi Pagbabago ng Disposisyon ay Pakikipag-alitan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Napagtanto ko noon na ang pagkilos ayon sa emosyon ay karaniwang dahil sa pagliligaw at pagtiwali ni Satanas sa akin. Sa pamamagitan ng edukasyon sa paaralan at mga impluwensya ng lipunan, inilulubog ng diyablong si Satanas ang mga tao sa lahat ng uri ng mga makamundong pilosopiya at mga batas ng pananatiling buhay tulad ng “Ang bawat tao para sa kanyang sarili, bahala na ang iba,” “Mas matimbang ang dugo kaysa tubig,” at “Ang tao ay hindi patay; paano siya magiging malaya mula sa emosyon?” Nabuhay ako sa mga pilosopiyang ito, na nakikitang positibo ang pangangalaga sa mga malapit sa akin, at nakikitang pagiging mapagmahal ang simpatya at awa. Tungkol naman sa pagpalit kay Sister Li, lagi kong iniisip na galing kami sa iisang lugar at lagi niya akong inaasikaso, kaya nang nahaharap siya sa pagkakatanggal inisip ko na dapat ko siyang tulungan at ipagtanggol. Akala ko’y iyon ang tamang gawin. Alam kong hindi naman talaga niya ginampanan ang tungkulin niya bilang lider ng grupo kundi madalas na sinisermunan ang iba at kinokontrol sila. Kung hindi siya napalitan ay makasasama ito sa mga kapatid at makakaapekto ito sa gawain ng simbahan. Pero sinalungat ko ang mga prinsipyo ng katotohanan at binalewala ko ang mga kapakanan ng bahay ng Diyos, habang ginagawa ang lahat ng kaya ko para pangalagaan siya at mapanatili siya sa posisyon niya. Kinasangkapan ko ang aking tungkulin para maingatan ang aming relasyon at ginamit ko ang gawain ng simbahan para suklian ang kabaitan niya sa akin. Sinasamantala ko ang kapangyarihan at tungkulin ko para sa pansarili kong pakinabang. Paano magiging karapat-dapat sa gawain ng simbahan ang isang katulad ko? Bilang lider, iniisip ko dapat ang gawain ng simbahan at ang buhay ng mga kapatid, at kumikilos dapat ako ayon sa mga prinsipyo ng katotohanan sa tungkulin ko. Pero inuuna ko ang damdamin higit sa lahat, kahit alam na alam ko ang katotohanan, pero hindi ito isinasagawa. Hindi ba iyan ay pagtataksil sa katotohanan at mga prinsipyo, at pagmamaliit sa gawain ng simbahan? Wala akong utang na loob! Nakita ko pagkatapos na ang mga makamundong pilosopiyang iyon ay mga kamaliang ginagamit ni Satanas para gawing tiwali at linlangin ang mga tao. Ang pagsasalita at pagkilos nang ganoon ay lubusang hindi patas at makatarungan, at talagang walang mga prinsipyo ng katotohanan dito. Ganyan mismo ang pilosopiya sa buhay ng mga opisyal ng Partido Komunista: “Kapag nataas ng posisyon ang isang tao, kasama niyang umaangat ang kanyang pamilya’t mga kamag-anak.” Kapag nagiging isang opisyal ang isang tao, nakikinabang din ang kanilang mga kamag-anak kahit saan, at talagang kaya nilang gawin ang kahit ano nang hindi napaparusahan. Ang lipunang kontrolado ng CCP ay napakadilim, napakasama, lubusang hindi patas at makatarungan. Bilang lider ng simbahan, na hindi kumikilos ayon sa mga prinsipyo ngunit nabubuhay sa mga makademonyong pilosopiyang ito, anong pinagkaiba ko sa isang opisyal ng CPP? Yung ayaw kong matanggal si Sister Li ay hindi dahil sa tunay na pagmamahal o pagtulong, takot lamang akong masabi niyang ako’y walang-pakialam at manhid at magbago ang pagturing niya sa akin. Hindi ko man lamang isinasaalang-alang ang kanyang buhay. Ang pagpalit sa isang tao sa bahay ng Diyos ay ginagawa para himukin ang personal na pagmumuni-muni, para sila’y makapagsisi at makapagbago sa tamang panahon. Ito’y isang paraan ng pagliligtas at pangangalaga ng Diyos sa mga tao. Natanggal din ako sa aking tungkulin, at nang matuto ako ng leksyon ko mula sa aking pagkabigo, naghanda ang simbahan ng ibang nababagay na tungkulin para sa akin. Ang pagkatisod at pagkabagsak lamang ang nakapagpaisip sa akin at nagbigay sa akin ng tunay na kamalayan sa sarili. Mas naunawaan ko rin ang kalooban ng Diyos na iligtas ang tao at nakita kong ang awa at katuwiran ay parehong laman ng Kanyang pag-ibig. May mga prinsipyo sa pag-ibig ng Diyos; hindi Niya tayo pinapagmalabis o binibigyang-layaw. Pero ang “pag-ibig” ko para sa iba ay puno ng mga makademonyo at makamundong pilosopiya at nakabatay sa mga personal na kapakanan. Ito’y makitid at makasarili, nakakamuhi at nakakayamot sa Diyos. Kaya’t napagtanto ko na masama sa iba at sa ating sarili kapag tayo’y umasa sa ating damdamin, at iyan ang pinakamalaki kong hadlang sa pagsasagawa ng katotohanan at pagganap nang mabuti sa aking tungkulin. Kung hindi ko tinanggap ang paghatol at pagkastigo ng mga salita ng Diyos, kung walang tunay na pagsisisi, nagkasala sana ako sa disposisyon ng Diyos at tinanggihan, kinamuhian, at inalis ako ng Diyos.

Kinalaunan ay nagbasa ako ng isa pang sipi ng mga salita ng Diyos: “Kung nais mong magkaroon ng wastong kaugnayan sa Diyos, dapat na ibaling ang iyong puso sa Diyos, at sa saligang ito, magkakaroon ka rin ng wastong kaugnayan sa ibang mga tao. Kung wala kang wastong kaugnayan sa Diyos, maging anuman ang iyong gawin upang mapanatili ang iyong kaugnayan sa ibang mga tao, kahit gaano ka man kasikap gumawa o gaano man karaming lakas ang iyong ibuhos, makakabilang pa rin ito sa isang pilosopiya sa buhay ng tao. Pinananatili mo ang iyong kalagayan sa gitna ng mga tao sa pamamagitan ng isang pananaw ng tao at isang pilosopiya ng tao upang purihin ka nila. Hindi ka nagtatatag ng wastong mga kaugnayan sa mga tao alinsunod sa salita ng Diyos. Kung hindi ka magtutuon ng pansin sa iyong mga kaugnayan sa mga tao ngunit nagpapanatili ng isang wastong kaugnayan sa Diyos, kung ikaw ay nakahandang ibigay ang iyong puso sa Diyos at matututuhang sundin Siya, likas lamang na ang iyong mga kaugnayan sa lahat ng tao ay magiging wasto. Sa ganitong paraan, ang mga kaugnayang ito ay hindi itinatatag sa laman, ngunit sa saligan ng pag-ibig ng Diyos. Halos walang mga pakikipag-ugnayan batay sa laman, ngunit sa espiritu ay mayroong pagsasamahan gayundin ng pag-ibig, kaaliwan, at paglalaan para sa isa’t isa. Ang lahat ng ito ay ginagawa sa saligan ng isang puso na pinalulugod ang Diyos. Ang mga kaugnayang ito ay hindi pinananatili sa pananangan sa pilosopiya ng tao sa buhay, ngunit ang mga ito ay napakalikas na binubuo sa pamamagitan ng pasanin para sa Diyos. Hindi nito kinakailangan ang pagsisikap na gawa ng tao. Dapat ka lang magsagawa ayon sa mga prinsipyo ng salita ng Diyos” (“Napakahalagang Magtatag ng Isang Normal na Kaugnayan sa Diyos” sa Ang Salita ay Nagpapakita sa Katawang-tao). Pagkabasa ko sa mga salita ng Diyos, naintindihan ko na ang mga relasyon sa mga kapatid ay pangunahing nakabase sa pag-ibig ng Diyos. Hindi ito pinapanatili ng mga makamundong pilosopiya ni Satanas. Ang pagsasagawa ng katotohanan ang susi. Lalo na pagdating sa gawain ng bahay ng Diyos, kapag may nakikita tayong gumagawa ng kanilang tungkulin laban sa mga prinsipyo ng katotohanan, dapat tayong magbahagi tungkol sa katotohanan para tulungan at suportahan sila. Kung hindi pa rin sila magsisi pagkatapos ng maraming pagbabahagi, kailangan na silang tabasin at pakitunguhan kung kinakailangan. Kahit sa pamilya at mga kaibigan, hindi tayo maaaring umasa sa ating mga emosyon o sumunod sa mga makamundong pilosopiya. Kailangang gawin natin ang mga bagay ayon sa mga prinsipyo ng mga salita ng Diyos: Magbahagi kung kinakailangan at kung hindi ito nakatulong ay palitan sila. Ang gawain ng simbahan at ang mga kapakanan ng bahay ng Diyos ay dapat laging pagmalasakitan. Ito lamang ang kaayon ng kalooban ng Diyos. Kinalaunan tinalakay ko ito sa ilang kasamahan sa paggawa at tinanggal ko si Sister Li batay sa mga prinsipyo ng katotohanan. Nagbahagi rin ako para masuri nang mabuti ang kanyang pagganap alinsunod sa mga salita ng Diyos at itinaas ko sa tungkulin si Brother Chen bilang lider ng grupo. Noon lamang ako nakaramdam ng ginhawa sa aking puso. Pagkalipas ng ilang panahon, binasahan ko ng mga salita ng Diyos si Sister Li at kinumusta ko siya. Sinabi niyang, “Salamat sa Diyos! Lahat ng ginagawa Niya ay mabuti. Noong una ay negatibo ako at nahihirapan, pero sa pagbabasa ng mga salita ng Diyos at pananalangin, naintindihan kong ganito pala ang ginagawa ng Diyos para baguhin ako, at kung hindi ako natanggal at naituro sa akin ang mga problema ko, hindi ko sana nakilala ang sarili ko, o nagbago at nagsisi kagaya ng ginawa ko ngayon.” Pagkarinig nito, nadama ko kung gaano kasarap ang talikdan ang laman at isagawa ang katotohanan. Naranasan ko rin na tanging ang pagsasagawa ng katotohanan at pag-ayon sa prinsipyo ang kaayon ng kalooban ng Diyos. Iyon lamang ang tanging marangal na paraan.

Inirekomendang pagbabasa:

Lihim nang dumating ang Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad at gumawa ng isang grupo ng mga mananagumpay. Pagkatapos, magpapakita ang Diyos nang hayagan at gagantimpalaan ang mabubuti at parurusahan ang masasama. Nais mo bang salubungin ang Panginoon at maligtas ng Diyos bago sumapit ang matitinding kalamidad? Huwag mag-atubiling kontakin kami ngayon para malaman ang paraan.

Mag-iwan ng Tugon

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Baguhin )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Baguhin )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Baguhin )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Baguhin )

Connecting to %s

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.